Must Read
Halos dalawang linggo na ang nakalipas, pero usap-usapan pa rin naming mga tambay tuwing nagpapalipas kami ng oras ang mga nangyayari sa Senado.
Mahirap makalimutan ‘yung mga ganoong pangyayari. Walang sinabi ang mga kathang isip na teleserye. Totoong naganap ito at bumulagâ mismo sa Senado. Noong araw, mga kapitá-pitágan ang mambabatas sa Kongreso — Senado man ‘yan o Kamara. Sa paglipas ng panahon, parang pumusyáw ang kinang ng tanggapan ng mga mambabatas. Pero noong nasabing linggo, tuluyan nang umalagwá ang anumáng pagiging kagálang-gálang ng Kongreso.
Kung tutuusín, sapat na sana ang drama ng impeachment ni Vice President Sara Duterte para makuha ang atensiyón ng taumbayan. Makasaysayan kasi ito. Impeachment Take 2 niya ito, at si VP lang ang natatanging mataas na opisyal ng bayan ang dalawang beses na na-impeach.
Kaso, nákaw-eksena ‘yung mga naganap sa Senado. ‘Ika nga nung isang katalastásan namin, kumpletos rekados ‘yung “drama” sa Senado: mayroong comedy, action, conflict, iyakan, at suspense.
Pero bilang isang guro at taxpayer, mayroon lang akong ilang ambag na puná sa “honorable” senators natin.
Sa isang video na napanood ng tambay na ito, tila napikon ni Senate President Alan Peter Cayetano. Tumaas ang boses niya at hinampas pa niya ang podium. Napikon siya dahil tila hindi niya makumbinse ang mga nasa media briefing na iyon na “the Senate was under attack” nung gabi ng Mayo 13.
“All of you, your lives were in danger last night,” matining na ang boses ni Cayetano nung sinabi niya ito sa mga nagdududa sa kuwentong ipinagduduldúlan niya. Karamihan sa mga kaharap ni Senate President ay nandoon mismo sa loob ng Senado noong tinutukoy na gabi. Narinig nila ‘yung mga putok ng baril. At totoo namang, kahit patuloy nagre-report ‘yung mga diyarista, abot ang kaba at takot nila. (TIMELINE: Senate shooting incident)
Dagdag ni Senate President, “I know it’s your job to ask questions.” Medyo kumámbiyó siya. Marahil pamilyar nga si Cayetano sa mga pagkilos ng mga diyarista, pero may kapansin-pansing nakaligtaan siya. At napaka-basic nito sa journalism. Isa sa mga prinsipyo ng pagiging mamamahayag ay ang tiyaga at paulit-ulit na beripikasyón.
Sabi nga sa librong The Elements of Journalism ni Bill Kovach at Tom Rosenstiel, “The essence of journalism is a discipline of verification.”
Pahintulutan ‘nyo pong ilagay ko rito ang talata sa Inglés na binanggit ni Kovach at Rosenstiel sa kanilang libro tungkol sa beripikasyón:
“In the end, the discipline of verification is what separates journalism from entertainment, propaganda, fiction, or art. Entertainment — or its cousin “infotainment” — focuses on what is most diverting. Propaganda selects facts or invents them to serve the real purpose: persuasion and manipulation. Fiction invents scenarios to get at a more personal impression of what it calls truth. Journalism alone is focused on the process employed to get what happened down right. This is true whether it is the work of a network TV news division or the work of a lone citizen posting eyewitness accounts on social media, and it is the first criterion by which any work claimed as journalism should be judged for competence.”
Nabugnót si Senate President Cayetano dahil parang ayaw “kagatin” ng mga taga-media (at karamihan din ng mga nakakausap ko) ang linyang nilusob ang Senado.
Hindi dahil sinabi ng isang may katungkulan ang isang bagay ay dali-daling iuulat ng media ito. Halimbawa: Kahit pa presidente ng Pilipinas ang magsabing umuulan ng snow sa kalye, dapat lang na lumabas ang reporter sa kalye at tingnan kung totoong may snow sa labas.
Kahit duda sila sa kuwento ni Cayetano, ang fair pa rin ng media sa kanya. Tuloy pa ring inilabas nila sa news reports ang pahayag ng Senate President.
Mabanggit ko na rin na linya rin ni Senator Pia Cayetano, kapatid ni Senate President, na “under attack” ang Senado. Hindi ito kapani-paniwala sa ilang nagko-cover sa Senado. Kailangan lang silipin ang mga public posts sa social media ng mga “naipit” na mga senador, at maiisip mong maayos naman ang kalagayan nila nung gabi ng binansagan nilang “inatake” sila.
“Eh, ‘yung sinabi ni Senadora na hindi man lamang daw sila kinamusta ng mga kapwa niyang senador?” tanong ng isang nagmamarunong sa mga umpukan namin sa barangay. Ang gusto palang isundot ng kasama namin ay kung si Senadora Pia kaya ay may kinumusta doon sa mga biktima ng drug war nung panahon ni dating Pangulo Rodrigo Duterte. Ito ‘yung mga nabiyuda o biyudo, mga naulila, mga nawalan ng anak, na napatay kahit walang kasalanan. O kaya’y hindi man lamang, dumaan sa paglilitis, basta na lang pinaslang.
Hindi ko makakalimutan ‘yung malagim na panahong iyon. Araw-araw ang daming napapatay. Parang may running scores ang media, nakalista ang bilang ng mga napatay.
May nagsalita bang senador laban doon sa santambak na patayan?
‘Yung iba roon sa mga napatay, mga “collateral damage” lang, sabi nga nung hepe ng Philippine National Police na si noo’y Heneral Ronald “Bato” dela Rosa. Nadamay lang sa mga police operations. Hindi daw sinasadya, sabi ni Bato, “shit happens.”
‘Yun kaya ang dahilan kung bakit ganoon na lang ang pagkarípas ni Bato sa hagdan ng fire escape sa Senado — isang eksenang kitang-kita sa mga sari-saring dinoktor na video na nag-viral at ginawang katatawanan ng mga pilyong netizens?
Noong nakulong sa mga huwád na kaso si noo’y Senadora Leila de Lima, may nangumusta kaya sa kanya sa piitan na mga kapwa mambabatas?
Tulad nga ng isang pelikula ‘yung “drama” sa Senado. Nagbukas at nagsará ito kay Bato. Unang ekséna ay ‘yung komédya ng kanyang galit-galitan sa Senate floor, at ‘yung habulan at pagkakadapa niya sa hagdan ng fire escape. Ang katapusang ekséna ay ang tahimik na pag-eskapo ni Bato. Nakita sa CCTV ng Senado na madaling araw sumakay sa SUV ni Senador Robin Padilla si Bato. Tapos umarangkada ang sasakyan palabas ng parking area ng Senado.
Diyan na ba nagtatapos ang drama na ito? May sequel pa ba ito? Ano kaya ang mangyayari sa impeachment hearing? Makakasuhan kaya si Senador Robin? Susuko na kaya si Bato? Hahampasin pa kaya ulit ni Senator Cayetano ang mesa? Abangan ang susunod na kabanata. – Rappler.com
Si Chito de la Vega ay Tambay ng Rappler dalawang beses kada buwan. Kasama rin siya sa mga anchor-host ng programang Balita Kwento Serbisyo ng DZME 1530.
